Katangian na Dapat Taglayin sa Akademikong Pagsulat: Sanaysay



Ang pagsulat ay isang makrong kasanayang nagsasalin sa papel ng mga nabuong salita, simbolo, at ilustrasyon ng isang tao sa layuning magpahayag ng kaisipan. Bilang karagdagan, ito rin ay paraan ng pagpapahayag ng saloobin, damdamin, at kaalaman. Samakatwid, ang pagsulat ay bahagi na ng ating pamumuhay. Sa kabilang banda, sa aspeto ng akademya, ang akademikong sulatin ay nangangailangan ng mga katangian nang sa gayon ay matamo ang mga layunin nito. Anong katangian ang nararapat taglayin ng manunululat sa pagsasagawa ng akademikong papel?


Nararapat na walang kinikilingan ang manunulat. Datapwat, ang pagiging obhetibo ay dapat na taglayin. Bagaman ang ilang akademikong sulatin ay nangangailangan ng opinyon, mariing iniiwasan ang pagiging subhetibo sa akademya. Ang mga sulatin ay hindi salig sa pansariling perspektibo bagkus, mula sa masusing paggamit ng mga batayan. Ikalawa, ang manunulat ng akademikong sulatin ay may kredibilidad. Sa paggamit ng mga batayan, marapat na hindi angkinin ng manunulat ang intelektwal na pag – aari ng iba. Ang mga ideya, kaalaman, at ang sumulat ng mga ito ay dapat bigyang pagkilala. Sa ganitong paraan, nabubuo ang kredibilidad ng sulatin. Gamit ang mga ito, nagiging makatotohanan ang teksto. Bilang karagdagan, ang manunulat ay dapat may malinaw na pananaw. Katulad ng nabanggit, may ilang sulatin na ang opinyon ay kinakailangan. Ang akademikong pagsulat ay hindi lamang listahan at paglalagom ng mga sanggunian. Ang manunulat ay naglalahad ng ideya at saliksik na ayon sa sariling punto de vista kung kaya ang pananaw ay dapat maipahayag nang malinaw at wasto. Bukod dito, ang pagiging sistematiko ay dapat taglayin. Ang pagsulat ay isinasagawa gamit ang mga hakbang at prosidyur. Ang manunulat ay mariing sumusunod sa mga hakbang upang matamo ang layunin ng sulatin. Sa ganitong paraan, walang makakaligtaang datos at impormasyon na mahalaga sa pagbuo ng teksto. Samakatwid, ang manunulat ay nararapat sumunod sa maayos at makabuluhang proseso. Sa huli, ang isang akademikong manunulat ay inaasahang magaling magsiyasat. Sa pagkamit ng ganitong katangian, natitimbang mabuti ang nararapat at hindi nararapat isama sa sulatin. Masusi rin nitong tinitingnan ang kaugnayan ng mga datos sa teksto at mapanuring inilalahad ang mga mahahalagang ideya lamang. Gamit ang mga katangiang ito, makabubuo ng substansyal na akademikong papel.


Ang pagsulat sa aspeto ng akademya ay hindi basta – basta isinasagawa. Tiyak na marami pang konsiderasyong nararapat isaalang – alang. Mahigpit ang tuntuning dapat sundin. Upang makapaglahad ng makabuluhang impormasyon, ang manunululat ay dapat obhetibo, may kredibilidad, may malinaw na pananaw, sistematiko, at magaling magsiyasat. Sa pagtaglay ng mga ito, tiyak na matatamo ang mataas na antas ng kasanayan sa pagsulat.

photo from google.com

Comments

  1. Ang akademikong pagsulat ay hindi basta- basta ginagawa kaya't nararapat taglayin ang nasabing katangian

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts