Pag unlad ng Tao, Pag unlad ng Kalikasan: Tekstong Persweysib


 
        Marami nang nagbago sa ating kasalukuyang panahon kung saan ang modernisasyon ay patuloy na umuunlad. Kaliwa’t kanan ang mga itinatayong estraktura gaya na lamang ng mga pabrika, gusali, at iba pa na kinakailangan ng mga tao sa pang araw araw na pamumuhay. Dumarami na rin ang populasyon ng tao kung kaya’t higit na kinakailangan ng mga bagong mapagkukunan ng pangangailangan sa araw araw. Dumarami rin ang mga naiimbentong teknolohiya na magagamit ng mga tao sa kanilang buhay. Patuloy ang pag unlad ng ating pamumuhay ngunit napapansin ba naitng patuloy din ang pagkasira ng ating kalikasan dahil dito?

 
        Malaki ang ipinagbago ng kapaligiran simula ng dumami ang mga itinatayong gusali. Ang mga pabrika ay itinayo upang gumawa ng mga kagamitan na kakailanganin ng mga tao upang matugunan ang nais nito. Natutugunan ng mga pabrika ang mga kagustuhan ng tao sa kanyang pamumuhay gaya ng mga damit, sapatos, pagkain, at iba pa. Upang mas lalong makamit ang pangangailan ng tao ay kinakailangan ng hidit na malawak na espasyo upang pagtayuan ng maraming pabrika kung kaya’t pinuputol ang mga puno para dito. Isa pa ring umuunlad ay ang mga sasakyang patuloy na naiimbento upang mapadali ang buhay ng tao sa pagpunta sa iba’t ibang lugar. Dahil dito ay hindi gaanong mahihirapan ang mga taong magtungo sa nais nilang patunguhan. Ang teknolohiya ay isa rin sa nagpapadali ng buhay ng tao. Dahil sa teknolohiya ay nabago ang pamamaraan ng pamumuhay ng mga tao gaya na lamang ng mga gadgets na naimbento upang maglibang sa bawat isa. Naging paraan din ito upang magkaroon ng ugnayan ang bawat isa sa pamamagitan ng internet at mga satellites. Marami na nga ang nagawa ng modernisasyon sa buhay natin na masasabing nakapagpadali ng ating pamumuhay ngunit napansin ba natin na sa kabila ng kabutihang dulot nito ay may masama rin itong epekto?

 
      Hindi ba natin napapansin na sa kabila ng pagnanais ng tao na mapunan ang pangangailangan ay nasisira naman nito ang ating kalikasan? Noon ay sagana ang kalikasan sa mga likas na yaman, mga puno, malinis na kapaligiran, sariwang hangin, magagandang tanawin gaya ng mga dagat, ilog, kabundukan at iba pa ngunit ngayon ay tila unti unti na itong naglalaho at napapalitan ng mga nagtatayugang mga gusali at pabrika kung saan ang mga ito ay nagdudulot ng masamang epekto sa kalikasan dahil sa mga duming inilalabas nito sa hangin at maging sa tubig. Ang usok na nanggagaling dito ay nagpapadumi sa sariwang hangin at ang basura nito ay napupunta sa mga ilog o dagat na nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga yamang tubig at ang dapat na malinis na katubigan ay napapalitan ng mga madudumi at naglulutangang mga basura. Ang mga gusaling ito ay nagiging dahilan din ng pagkaubos ng mga puno dahil sa lugar na pagtatayuan nito na dahilan din kung bakit nagkakaroon ng polusyon sa hangin. Idagdag pa ang mga sasakyan na nagdadala sa atin sa ating paroroonan ngunit isa rin sa sumisira sa sariwang hangin. Ang mga punong dapat sana’y lumilinis ng hangin at humahawak sa lupa upang panatilihin ang tatag nito ay pinuputol dahil sa pagnanais ng malawak na pagtatayuan ng mga gusali. Ano na lamang ang mangyayari sa mga nagtataasang gusali at pabrika kung magkaroon ng matinding pag ulan kung ang mga puno ay naubos na? Wasak na nga ang mga gusali ay masisira rin ang ating kalikasan. Ang teknolohiyang nag uugnay sa bawat isa ay tila nagpapahiwalay ng mga kulturang ating kinagisnan na sa halip na mga larong pinoy gaya luksong baka, tumbang preso, sungka at iba pa ay napalitan ng pagkababad sa mga computer at cellphones at ito ang dahilan ng kawalan ng oras sa pamilya at kultura isama pa ang sakit na makukuha sa mga teknolohiyang ito. Masasayang ang mga hirap ng ating mga ninuno sa pagbuo ng ating kultura na mawawakasan dahil sap ag unlad ng ating bansa.

 
        Hindi naman masama ang pag unlad ng ating bansa kung kasabay nito ay ang pag unlad din ng ating kalikasan. Huwag nating hayaan na sa patuloy na modernisasyon ay maibaon na sa hukay ang mga kultura at tradisyong ipinamana sa atin ng ating mga ninuno at huwag ding sayangin ang anim na araw na ginugol ng Diyos upang mabuo ang magandang kalikasan para lamang sa pag unlad ng ating bansa. Kailan tayo magsisimula ng pagbabago? Ang bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng disiplina sa ating kapaligiran dahil tayo ang tagapangalaga nito. Simulan natin ito sa ating mga sarili dahil dito nagsisimula ang lahat. Mas nanaisin ba nating masira ang kalikasan at ito’y hindi na tuluyang abutan ng susunod na henerasyon? Hindi pa huli ang lahat upang ibalik ang mga dating nakasanayan at ang maganda at malinis na kapaligiran kaya’t huwag na nating hintayin pang masira ang kalikasan at ito’y pangalagaan dahil walang kabuluhan ang modernisasyon kung ang bawat isa ay walang disiplina sapagkat ang maunlad na bansa ay may maunlad na kultura at kalikasan.

larawan mula sa google.com

Comments

Popular Posts