ABNKKBSNPLAko?!: Suring Basa
I.
Pagkilala sa May-akda
Si Roberto Ong o mas
kilala sa tawag na Bob Ong ay isang tanyag at mahusay na manunulat hanggang sa
kasalukuyang panahon. Siya ay naging isang guro, manunulat, web developer, at
naging webmaster ayon sa paglalarawan niya sa kanyang librong ABNKKBSNPLAko.
Ang kanyang pook sapot na Bobong Pinoy ay nanalo sa People’s Choice Philippine
Award for Weird or Humor noong 1998. Nakapaglathala na siya ng sampung libro na
kasalukuyang binabasa at tinatangkilik ng mga Pilipino dahil sa lawak ng
kanyang imahinasyon sa pagsusulat ng mga nakakatawa ngunit makabuluhang mga
libro na sumasalamin sa kultura at gawi ng mga Pilipino. Hindi pa rin batid ang
tunay na katauhan ni Bob Ong ngunit hindi ito naging hadlang sa pagtangkilik at
pagsuporta sa kanyang mga libro.
II.
Layunin ng May Akda
Layunin
ng akdang ABNKKBSNPLAko na ilahad ang mga karanasan ng may akda noong ito ay
nasa kapanahunan ng pag-aaral. Nais nito na hikayatin ang mga mambabasa sa
paraang pagsasalaysay ng mga karanasan upang makuha ang atensiyon at loob upang
mawili ang mga ito. Ipinapakita sa akda ang kahalagahan ng pag-aaral sa
pagiging daan ng tagumpay sa buhay at imulat ang kaisipan ng mga mambabasa sa
kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan at nais ding ipabatid na hindi madali
ang pagiging guro. At huli, nais nitong mag iwan ng aral tungkol sa mga
pagsubok sa buhay na kahit may mga panahong nadadapa ay nararapat pa ring
bumangon at ipagpatuloy ang buhay.
III. Kaisipang Taglay ng May Akda
Ang
kaisipang taglay na nakapaloob sa akda ay tungkol sa buhay na kinaharap ng may
akdang si Bob Ong noong siya ay nag-aaral kaya’t hindi maiiwasang balikan ng
mga mambabasa ang kanilang mga karanasan noon sa paaralan dahil sa pagbabasa ng
akdang ito na sadyang nakakaaliw. Ito ay kapupulutan ng aral kung saan
ipinahayag ang kahalagahan ng edukasyon sa ating buhay at masasalamin din dito
ang pagiging matatag ng isang guro, isang mag-aaral o kahit ng isang tao na
ipinagpapatuloy pa rin ang takbo ng buhay kahit na minsan ay nadadapa sa mga
problema. Masasabing makatotohanan dahil ito ay nagaganap pa rin sa
kasalukuyang panahon.
IV.
Kaugnayan ng Akda
A.
Sa aking Sarili
Ang akda ay naglalahad sa mga karanasan
ng pagiging isang mag-aaral at bilang isang mag-aaral sa kasalukuyang panahon
ay maiuugnay ko ang akdang ito sa aking sarili sapagkat ang mga nakapaloob dito
ay akin ding nararanasan na sadyang nakapagbalik ng aking mga alaala noong ako
ay nag-aaral hanggang ngayon. Sa aking pagbabasa nito ay napagtanto ko ang
tunay na kahalagahan ng pag-aaral dahil dito nakasalalay ang aking magiging
kinabukasan. Ang akdang ito ay lalong
nagbigay sa akin ng inspirasyon sa aking pag aaral dahil ipinahayag nito ang
mga problemang kinaharap ng may akda ngunit sa kabila ng kanyang pagkakadapa ng
maraming beses ay hindi pa rin siya sumuko at ipinagpatuloy niya ang kanyang
buhay. Dahil dito, lalo kong pagbubutihin ang aking pag-aaral at isasabuhay ko
ang aral na aking napulot sa akdang ito.
B.
Sa aking Pamilya
Ang mga magulang ay nagpupursigi na
ibigay ang lahat ng makakaya para sa kapakanan ng kanyang anak at isa na rito
ang pagbibigay ng edukasyon. Maiuugnay ko ang akdang ito sa aking pamilya sa
paraang pagsasakripisyo nila ng kanilang oras at lakas sa akin upang ako ay
makapagtapos ng pag-aaral. Katulad sa akda ay sinuportahan ng pamilya si Bob
Ong sa pag-aaral kahit na minsan ay nalulugmok ito sa mga problema. Kahit na
ganoon ang kaniyang kalagayan ay naroon pa rin ang kaniyang pamilya upang
siya’y tulungan sa pagkakadapa sa problema. Dahil rin sa akdang ito ay mas lalo
kong pinahalagahan ang aking pag-aaral para sa aking pamilya bilang sukli sa
kanilang pagsuporta sa akin.
C.
Sa aking Komunidad
Ang akdang ito ay masasabi kong
nangyayari rin sa aking komunidad sapagkat sa komunidad makikita ang mga taong
patuloy na nag-aaral at mga taong nariyan upang tumulong na ika’y iangat sa
buhay. Maiuugnay ko ang akdang ito sa aking komunidad sa paraang ang komunidad
ay may malaking impluwenisya sa buhay ng tao kagaya na lamang sa akda na
mayroong mga taong nakapaligid na huhusga sa kung ano ang katayuan mo sa buhay.
Ngunit kahit ganito ang nangyayari sa aking komunidad ay nagbibigay daan pa rin
ito upang magtagumpay sa buhay dahil ito ay nagsisilbing pagsubok na kailangang
lagpasan.
D.
Sa aking Mundo
Ang akdang ito ay makapagbibigay ng
aliw sa mambabasa pati na rin ng kaalaman at inspirasyon sa buong mundo.
Makatutulong ang akdang ito upang baguhin ang kasalukuyang kalagayan ng ating
mundo sa paraang pagbibigay nito ng aral sa bawat isa tungkol sa kahalagahan ng
edukasyon. Hindi lamang sa kapwa Pilipino makakapagbigay ng aral ngunit pati na
rin sa mga taong nasa iba’t ibang bansa na nalulugmok sa problema. Isa itong
paraan upang ibangon ang bawat isa sa pagkakadapa at muling ipagpapatuloy ang
nasimulan. Malalaman din ng mga tao sa ating mundo ang hirap ng pagiging isang
guro at ang akdang ito ang magpapamulat sa lahat na pahalagahan ang pag-aaral
at sakripisyo ng isang guro dahil sila ang tumutulong upang tayo’y maging
matagumpay sa buhay. Ang akdang ito ay magdudulot ito ng kaalaman tungkol sa
kahalagahan ng edukasyon na magiging daan ng kaunlaran ng ating mundo.
V.
Pangkalahatang Impresyon sa Akda
Sa mga oras na aking inilaan sa
pagbabasa ng akdang ito ay masasabi kong naging sulit at makabuluhan ang aking
pagbabasa. Nakakaaliw ang pagbabasa nito dahil sa mga nakakatawang nakapaloob
ngunit sa kabila ng nakakatawang pangyayari dito ay may malalim na pakahulugan
ang may-akda. Ito ay nakapagbigay ng aral sa akin maging sa ibang mambabasa
nito tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral. Sa mga nabasa kong akda ay isa ito sa
tumatak sa akin ng labis dahil sa pagbabasa ko nito ay nagbabalik sa akin ang
mga karanasan ko sa aking paaralan magpahanggang ngayon na nakapagpaalala sa
akin ng mga nagawa ko noon upang malagpasan ko ang aking problema sa paaralan.
Humahanga rin ako kay Bob Ong dahil isa ang kanyang akda sa nagbigay sakin ng
inspirasyon sa pag-aaral sa pamamagitan ng paglalahad niya ng kanyang karanasan
sa paaralan. Dahil sa librong ito ay lalo kong pagbubutihin ang aking pag-aaral
at itatak sa aking puso’t isipan ang iniwan nitong aral na magiging daan sa
aking magandang kinabukasan.
Comments
Post a Comment