Sanaysay tungkol sa Wika

Wika: Kasangkapan ng Kapayapaan, Repleksiyon ng Pagkakakilanlan


 

    Sa pagpinid ng tabing ng reyalidad sa lipunan, sa atin ay masisiwalat ang Pilipinas bilang isang malaking entablado na pinagtatanghalan ng mga taong gumagamit ng iba’t ibang wika, wikain, at dayalekto. Bagaman mayroong baryasyon, wika pa rin ang nagsisilbing punyal na sandata sa digmaan ng hindi pagkakaunawaan. Pasalita man o pasulat, ang wika ang siyang matibay na pising nagbubuklod sa bawat isa at naghahatid ng kapayapaan sa lipunan. Ito ang apoy na nagbibigay init sa nilalamig na kultura at pagkakakilanlan ng bansa. Ano ang esensiya ang pagkakaroon ng wika? Paano naipakikilala ng wika ang iyong identidad? Kung mahalaga ang wika, paano mo ito mapapahalagahan?


    Pangunahing pangangailangan ng tao ang magsagawa ng maayos na sistema ng komunikasyon upang mapanatili ang maayos na pakikipamuhay sa kapaligiran. Nakakamit lamang ang pangangailangang ito sa tulong ng wika.Sa pakikipagtalastasan natin sa ibang tao, wika ang siyang nagiging midyum nang sa gayon, makapagpalitan tayo ng kaisipan at saloobin. Kung ating lilimiin, ang wika ay nagbibigay sa atin ng oportunidad upang makapagpahayag hindi lamang ng ating sarili bagkus gayundin ang ibang tao. Mula sa interaksyon natin sa kapwa gamit ang wika, tayo ay nakakabuo, nakakapagpanatili, at nakakapagpatatag ng relasyong sosyal sa iba. Ang tao ay hindi lamang tao bagkus taong nilikhang panlipunan.


    Tunay na ang wika ay daan sa pagkakaunawaan at pagkakaisa sa lipunan. Bilang halimbawa, ating balikan ang kasaysayan ng mga sinaunang Indones na nakipaglaban upang lumaya sa mga Olandes. Ang kanilang naging sigaw ay “Satu Bangsa! Satu Bahasa! Satu Tunair!” na nangangahuugang “Isang Bansa! Isang Wika! Isang  Inang bayan!” Sa pangyayaring ito, ating malilimi ang kahalagahan at kapangyarihan ng wika na pagbuklurin ang bawat isa sa pagkamit ng kalayaan. Bilang karagdagan, ating mababasa sa Genesis 11: 1-9 na ang mga tao ay gumagamit ng iisang wika lamang. Nagresulta ito sa pagkakaroon ng pagkakaisa sa pagtatayo ng toreng abot sa langit na kalauna’y hindi naging matagumpay dahil ginawa ni Yahweh na magkakaiba ang wikang kanilang ginagamit. Sa mga halimbawang ito, ating mahihinuha, na ang wika ay esensiyal upang tayo ay magkaunawaan at maisakatuparan ang isang layunin.


    Ang kapayapaan ay bunga ng paggamit ng wikang nauunawaan ng lahat. Kung ating iisipin, kapag ang isang lipunan ay mayroong wikang magkakaiba, ang lahat ng tao na bumubuo rito ay tiyak walang pagkakaintindihan na magreresulta sa kaguluhan. Ang sigalot ay magkakaroon lamang ng solusyon kung ito ay pag-uusapan ng maayos. Sa pag-uusap, tiyak na gagamit ng wikang nauunawaan ng lahat upang magkaintindihan. Mahalagang papel ang ginagampanan ng wika sa pagpapanatili ng kapayapaan sapagkat pinagbubuklod nito ang bawat isa na makipamuhay ng kaaya-aya at maayos sa kaniyang kapaligiran. 


    Ang wika ay tila isang salamin na repleksiyon ng kultura sa isang lipunan. Ang kultura ay tumutukoy sa anumang natutunan (learned) at pinagsasaluhan (shared) ng mga tao sa isang partikular na lugar o komunidad. Makakamit lamang ang pagsasalin – salin at paglinang ng kultura sa tulong wika. Binubuo ng wika ang sining, panitikan, karunungan, kaugalian, at kinagawian na nagsisilbing pundasyon ng ating kultura. Tunay ngang ang wika ay bahagi ng kultura at ang kultura naipapasa gamit ang wika. Samakatwid, ang wika ay mahalaga upang magkaroon ng pagkakakilanlan at maipakilala kung sino tayo. Ika nga ni Simoun sa pagpapangaral kay Basilio, “Papatayin ninyo lamang ang inyong sariling katauhan at ilalantad ang iniisip sa ibang kaisipan kung ibang wika ang inyong pagnanasahang matutunan.”  Sa paggamit natin ng wikang Filipino, naipakikita natin ang ating cultural identity bilang mga Pilipino. Marapat na maipagmalaki natin ang ating pagkakakilanlan sa pamamagitan ng paggamit ng ating wika.


    Hindi maikakailang mahalaga ang wika kaya dapat atin itong pahalagahan. Sa patuloy na paggamit natin ng wikang Filipino, mananatili itong wikang buhay na maghahatid sa atin sa pag – unlad. Unahin nating payabungin ang sariling wika bago ang iba. Ito ay ating responsibilidad upang maipakita ang ating pagkamakabayan.


    Sa paglaon ng panahon, kapara ng buhangin sa dagat, natatangay tayo ng alon ng pagbabago. Nawa’y huwag nating hayaang tangayin ng agos ng pag-unlad at progreso ang sarili nating wika. Dahil sa oras na maluklok ito sa kailaliman ng limot, tiyak ang lahing Pilipino ay mawawala sa karimlan. Sa pagsabay natin sa ihip ng pagsulong, marapat na bitbit natin ang wikang ating kinagisnan sapagkat, higit sa pagmamahal sa unibersal na wika ay ang pagmamahal sa sariling atin. Patuloy nating gamitin at linangin ang wikang Filipino nang sa gayo’y manatili itong buhay hanggang sa mga susunod na henerasyon. Sino pa ba ang magpapayabong, magmamahal, at magpapahalaga sa wikang Filipino kundi tayo ring mga gumagamit nito. Bilang mga aktor sa entablado ng lipunang punung- puno ng ibat – ibang wika, nasa ating mga kamay ang pagpapahalaga sa wikang nagpapakita ng ating pagka-Pilipino. Dahil sa pagsasara ng telon, mas nagiging makabuluhan ang pagtatanghal kung naunawaan ito ng tao at nagpakita ng pagmamalaki sa kultura. Masasabi nating ang wika ang mas makapangyarihan kumpara sa mga taglay na superpowers ng mga kilala nating piksyong karakter. Kaya nitong pagbuklurin ang lahat, magkaroon ng kapayapaan at maipakita ang ating pagkakakilanlan. Para sa’yo, ano ang halaga ng wika?



photo from google.com

Comments

  1. Maraming salamat po. Dito ako kumuha ng idea sa essay ko

    ReplyDelete
  2. Mahalin ang sariling wika! Kudos author:))

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts