Tara na, Bayahe Tayo sa Perlas ng Silangan: Talumpating Nanghihikayat


    Sa aking kagalang – galang na mga tagapakinig, isang magandang araw po sa inyong lahat.


    It’s more fun in the Philippines. Sa kasalukuyan, ang Perlas ng Silangan ay may 7,641 na isla ayon sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA). Kung sa gayon, ang lokal at dayuhang mga indibidwal ay may humigit - kumulang pitong libong dahilan upang mamalas at mabighani sa angking kasaganahan ng Pilipinas. Tinatayang limang milyon at patuloy pang tumataas ang bilang ng mga turistang namamangha sa ganda ng bansa kada taon ayon sa Department of Tourism. Kaya’t ano pa ang inyong hinihintay? Lakbayin ang pulo – pulong biyaya ng Panginoon at maranasan ang kasiyahan sa labing - pitong rehiyon ng bansang minsang tinawag na Gem of the East. Tara, byahe tayo!


    Kung magagandang tanawin ang pag – uusapan, busugin ang inyong paningin sa iba’t ibang atraksyong tila ipinintang larawan. Wala sa mga sikat na sorbetes ang perpektong hugis ng apa bagkus nasa Mayon Volcano sa Albay. Kung pino at puting buhangin naman ang hanap, tumungo na sa nangingibabaw na Paradise Island, Boracay Beach. Maaari ring mamalas ang makapigil – hiningang dalampasigan ng El Nido, Palawan at Siargao, Surigao del Norte. Bilang karagdagan, makisalamuha rin sa masaganang yamang dagat ng Pagudpud, Ilocos Norte. Hindi lamang iyan ang gandang

inyong masasawata sa Land of the Morning. Aliwin ang paningin sa isa sa mga Seven Wonders of Nature noong 2012 na Underground River o sa UNESCO Heritage Site ng Chocololate Hills, Bohol. Magpatangay sa kapaki - pakinabang na hangin ng Ilocos Wind Mills at humakbang sa Stairway to the Sky ng Banaue. Inyo ring bigyang kulay ang mga mata sa sopistikadong disenyo ng mga Vinta ng Sulu at parol ng Pampanga. Tumingala rin upang mamalas ang kawili - wiling tayog ng Higantes ng Rizal. Sa paglubog ng araw ay siya namang paglitaw ng matitingkad na kulay ng night life ng bansa. Panoorin ang takip silim sa Manila Bay  o mamili sa abalang Night Market ng City of Pines, Baguio City.


    Kung pakabugan ng dibdib ang nais, tiyak hindi kayo mauubusan ng opsyon sa adventure. Ihanda na ang surf board para mag - surfing sa Siargao, island hopping sa Zambales, o rapelling sa Batangas. Nasa pamimilian din ang mountain climbing at hiking sa Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa, Mt. Makiling at sa tahanan ng Sea of Clouds, Mt. Kabunian, Benguet. Bilang karagdagan, isama rin sa listahan ang bungee jumping sa Danao Adventure Park, Bohol at ang water rapids ng Rio Grande de Cagayan.


    Para sa mga mahihilig sa nature trip, ihanda ang sarili sa sandamakmak na pamimilian upang maranasan ang kasaganahan ng kalikasan. Mamitas ng sariwang bulaklak ng Benguet o makipaglaro sa masisiglang hayop ng Avilon Zoo sa Rizal. Gumamit ng sigpaw sa pagkuha ng pinakamatamis na mangga ng Guimaras o magtampisaw sa preskong tubig ng Maria Christina Falls o talon ng Pagsanjan.


    Bukod dito, ang Pilipinas ay hangunan ng 52,177 (Biodiversity Management Bureau, 2018) species ng hayop at halaman na ang ilan ay sa bansa lamang matatagpuan. Halimbawa na riyan ang

tamaraw, Philippine eagle, mouse deer, flying lemur, cloud rat, teak trees, garlic pear flower, at iba pa. Ang mga organismo, mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, ay patuloy na inaalagaan at pinagyayaman gaya ng sa Tubataha Reef, Davao Crocodile Park, at mga marine sanctuaries.



    Kung gugustuhing balikan ang kasaysayan, dumako na sa Luneta kung saan nakatindig ang bantayog ni Gat Jose Rizal. Pwede ring tumungo sa Kawit, Cavite, na siyang pinagdausan ng unang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas o mas kilalanin si Andres Bonifacio sa kaniyang shrine sa Maragondon. Maari ring magmartsa sa Bataan upang bigyang halaga ang Death March o puntahan ang Tirad Pass ni Gregorio H. del Pilar. Bumalik sa nakaraang pamumuhay sa pagdaan sa Calle Crisologo, Vigan o libutin ang Walled City ng Intramuros lulan ng bamboo bikes.


    Kung naiinip na sa paglalaro ng online games, tiyak hindi mababagot sa mga larong Pinoy. Kumuha ng pananda para laruin ang patintero o humanap ng bato para mag – piko. Bukod dito, maglibang sa sungka o gamitin ang lumang lata para sa tumbang preso. Tiyakin namang pagbilang ng sampu, nakatago na kayo kung magtatagu- taguan.


    Bukod sa mga ito, maaari ring aliwin ang sarili sa baryasyon ng pagdiriwang ng iba’t ibang rehiyon. Makisaya sa Kadayawan Festival ng Davao, ngumiti sa Masskara Festival ng Bacolod, umindak sa hala – bira ng  Ati -  Atihan ng Aklan at pumarada sa mahalimuyak na

Panagbenga Festival ng Baguio. Sumabay din sa saliw ng musika ng Obando at sumakay sa bangka lulan ang Peñafrancia ng Naga City. Pwede rin namang umawit ng Original Pilipino Music (OPM) sa  videoke o sumayaw ng tinikling, carinosa, singkil or ‘di kaya ay budots.


    Sa aspeto ng pagkain, lamtakan ang malinamnam na adobo, kare – kare at tinola. Nguyain ang malutong na lechon ng Cebu at kiligin sa asim ng paksiw. Lasapin ang anghang ng Oragon Bicol express, dinuguan at papaitan. Tanggalin naman ang umay sa mga panghimagas tulad ng kakanin, yema at halo - halo. Bilang karagdagan, kainin din ang masustansiyang sisiw ng balot, exotic na tamilok, at malasang taho.


    Sa kabila ng lahat ng ito, ang tunay na yaman ng Perlas ng Silangan ay ang mga mamamayan. Kaya tara na! Makisalamuha sa masayahing mga Pilipino. Ang maalab na pagtanggap sa mga bisita o hospitality ang ugaling nangingibabaw at nagpapakilala sa atin. Kakilala man o estranghero, lokal man

o dayo, tiyak mararamdaman ang pagiging bahagi ng isang pamilya. Hindi rin maitatatwa ang pagiging magalang ng mga Pinoy sa paggamit ng po, opo at sa pagmamano. Kahanga – hanga rin ang bayanihan sa bayan ni Juan kung saan ang lahat ng tao ay nagtutulungan at nagmamalasakitan. Hindi rin maikukumpara ang sipag ng mga Pilipino na tinagurang “kayod kalabaw” kung magtrabaho. Sa huli, tangan – tangan ng bawat pamilyang Pinoy ang pagiging makaDiyos. Pananampalataya ang sentro ng buhay ng bawat isa.



    Kung susumahin, ang Pilipinas, sa lahat ng aspeto, ay walang dudang sagana sa pagpapala. Sa angking ganda, siguradong ang mga tutungo ay makadarama ng tunay kasiyahang dito lamang matatamasa. Tayong mga Pilipino ang dapat na nangunguna upang maipagmalaki ang lupang tinubuan. Nawa ay huwag maging dayuhan sa sarili nating bayan. Ating pagsibulin ang binhi ng pagka – Pilipino at pag – alabin ang pusong may diwang nasyonalismo. Sa patuloy nating pagdidilig ng pagmamahal at malasakit sa bayan, tiyak ating aanihin ang matamis at makabuluhang na bunga ng progreso. Sa ganitong paraan, makapanghihikayat tayo ng mga banyagang turista na magpapalago ng turismo at ekonomiya ng bansa.  It’s more fun in the Philippines! Lakbayin ang walang kapares na yaman ng Pilipinas. Tara na, byahe tayo!

 

Sanggunian:

Ang lahat ng larawan ay mula sa google.com

Department of Tourism (2018). Tourist arrivals to the PhilippinesJanuary-September 2018             https://www.dti.gov.ph/resources/statistics/tourist-arrivals

Gregorio, Roxanne (2016). Bakit nga ba “It’s More Fun in The Philippines?”

            http://balita.net.ph/2016/11/27/its-more-fun-in-the-philippines/

Khmer Times (2018). Ten reasons why ‘It’s more fun in the Philippines’

            https://www.khmertimeskh.com/5080199/ten-reasons-fun-philippines/

National Mapping and Resource Information Authority (2018). How were the islands        discovered? https://explore.traveloka.com/features/new-islands-philippines


Comments

  1. Mahusay, sa kabila ng nangyayari sa Pilipinas ay maipagmamalaki pa rin natin ito sa iba! Nice one author!����

    ReplyDelete
  2. I'm going to visit Philippines next year and this will be my guide in my to-do-list

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts