Tungo sa Liwanag : Replektibong Sanaysay

            Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya ay walang anumang kadiliman.” - 1 Juan 1:4

    Sa buhay ng tao, marahil ang ilan ay nasasadlak sa tanikala ng masasamang gawain at nagiging alipin ng pansariling kagustuhan. Tila maraming nawawala ang liwanag ng buhay at nasasawata ang liko – likong daan dulot ng kadiliman. Bilang mga bida ng kani – kanilang kwento, tiyak tayo ang may pinakamakapangyarihang armas – ang pananampalataya. Sa aklat ng ating pag – iral nariyang magkakaroon ng bahid ng punit at negatibong pangyayaring maglulugmok sa lupa ng kabiguan. Ngunit, siguradong sa pagdaloy ng istorya, mararating ang matamis na wakas tungo sa Kaniya.


    Bahagi na ng kaligiran natin bilang tao ang magtaglay ng kakayahang taliwas sa kabutihan. Sa kabila nito ang negatibong mga katangian ay nararapat iwaksi at italaga ang sarili sa buhay na marangal. Sa kontemporaryong panahon ngayon, maraming mga indibidwal ang nagkukulong sa selda ng bisyo. Itinatalaga ang sarili sa mapanganib na usok ng sigarilyo at nagiging lango sa alak ng karuwagan sa katotohanan. Sa pag – ikot ng orasan, ang mga taong ito ay tila upos ng tabako at tansan ng alkohol na kung susumahin ay walang halaga. Nararanasan ang panandaliang saya ngunit siguradong gigising sa bangungot ng pangmatagalang hirap. Sa ating paglalakbay, tiyak na may mga bato ng pagsubok na haharang sa patutunguhan. Sa kabilang banda, may tatapik sa ating balikat at magsasabing, " kaibigan, kasama mo ako!" May indibidwal na kakatok sa ating buhay hindi para husgahan at ibaba tayo kundi para tulungan tayong magbago. Nawa ay maalab nating tanggapin ang mga taong yaon at maging kasangga sa pagtibag sa bato ng balakid. Marapat na isaisip, sa lahat ng pagkakataon, tagumpay man o kabiguan, may kasama ka!


    Sinasabi ng unibersal na batas ng Simbahan na gumawa ng mabuti at iwasan ang masama. Tayong mga anak ng Diyos ay binibigyan lamang ng limitadong oportunidad upang mamalas ang iba pang nilikha. Responsibilidad nating gawin itong makabuluhan at kapaki – pakinabang. Sa pagkatok ng sugo ng Dakilang Lumikha, nawa ay tanggapin natin sila nang maluwalhati. Sa huli, ang mga taong ito ay ating kabalikat tungo sa liwanag.


photo from google.com


Comments

  1. Mahusay! Tunay na nagbibigay aral ang blog na ito! Ipagpatuloy mo lang!!

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular Posts